Monday, December 7, 2015

Pasinaya: Daang Demetrio T. Comendador





Agosto 14, 2015

Ang araw pong ito ang ika-84 na kaarawan ni Kgg. Demetrio T.Comendador kung siya’y nabubuhay pa. Si “ka Demet” kung siya’y tawagin ng karamihang kababayan nang kanyang panahon.  

May 12 taon na din po tayong iniwan ni Ka Demet. Ngayon ay tiyak kong tinatanaw niya tayong lahat mula sa kinalalagyan niya.  Hindi ko po alam ang kanyang tunay na saloobin sa ginagawa natin ngayon. Ngunit ngayon din pagkakataong ito, habang isinasagawa natin ang okasyong ito habang  -naririnig niya ang ating pakay kung bakit natin ginagawa ito…..tinitiyak ko ang kanyang sinserong pasasalamat sa mga naging tagapag paganap nito.

I have known ka Demet as a man of vision and conviction.  Totoong ang lahat ng tao’y may pangarap, lihim man o hayag. Ngunit si ka Demet ay may kakaibang katangian. Ang kanyang pangarap, kapag kanyang ipinahayag……gagawin niyang pilit upang makamtan. Kaya naman, noong panahon niya bilang punumbayan…kapag siya’y nangako. Tiyak iyon….asahan mo.

Tulad ng nasulat sa kanyang biyograpiya. Nakalatag doon ang kanyang mga naisagawa sa loob ng 12 taon niyang panunugkulang bilang punumbayan. Mula 1986-hanggang 1998, nagkaron tayo ng Ama ng bayan na pwede nating ipagmalaki  kanino man.  Maraming bagay ang kanyang pinangunahan na kung iisipin at ihahabing sa panahong kasalukuyan ay isa palang kahanga-hangang achievement.

Siya po ang kauna-unahang pangulo ng liga ng mga punong bayan sa buong Laguna mula 1988-1992.  Si ka Demet din po sa kanyang panunungkulan ang unang nagsagawa ng masigla at masayang Festival na sa kasalukuyang panahon ay tinutularan pa hindi lamang ng mga karatig bayan kundi ng maraming lugar at karatig probinsiya. Sa panahon ni ka Demet naging masigla ang agrikultura ng bayan dahil dinala niya dito ang Unibersidad ng Pilipinas ng Los Banos at ng Baguio City upang pangunahan at turuan ang ating mga magsasaka.  Nagkaron tayo ng mga ani tulad ng broccoli, cauliflower, letsyugas, carrots at strawberries, opo. Ang Nagcarlan din ang may pinakamurang karne sa pamilihan noong panahon ni ka Demet. Bakit ka ninyo?  Dahil sa isang kasunduang ipinatupad ng mga maghahayupan, manininda at ng local na pamahalaan. Dahil dito, dinarayo ang ating bayan ng mga mamimili mula sa ibang bayan. Masigla ang kalakalan.

Ang kauna-unahang bottled Mineral water ng Pilipinas, ang “Hidden Spring” ay dito kinuha sa ating bayan at sa label nito na nakadikit sa botelya ay buong pagmamalaki na nakalagay “from the prestine spring of Nagcarlan, Laguna”. Panahon din po iyan ni ka Demet.
  


Ang bahay pamahalaan po ay may magandang asotea. Sa asotea kung nakaupo ka doon mahusay na matatanaw ang mga kabundukang nakatanglaw sa atin, ang Bundok Banahaw at Cristobal, napakaganda.  Dati po ay walang bubong ang asoteyang iyan. Nagkaron ng pagkakataon na may mga Narrang tablon mula sa Mauban, Quezon ang iligal na dumaan sa lugar natin. Dahil kay ka Demet….hindi naglaho ang mga tablang Narra na iyon o naging perang pakinabang ng iilan lamang Bagkos pinakinabangan pa ng bayan upang pagandahin ang gusaling pampamahalaang bayan.  Ipinagawa at pinadagdagan ang mga silid ng gusali at naging bahagi na din ito ng kasaysayan ng ating bayan.  Napakarami pa pong akda ni ka Demet kung aking iisaisahin.  Ang akin pong nabanggit ay ilan lamang sa mga pinagtagumpayan niyang pangarap.  Kung may pinagtagumpayan…meron din po siyang ilang pangarap na hindi naisakatuparan dahil sa kakulangan na rin ng panahon at ng sapat na pagkakataon.

Ang JICA Project. Isang multi-milyong dolyar na proyektong magbibigay sana sa bayan ng magagandang daanan mula at patungo sa kabundukang kanayunan ng Abo, Bukal, Oples, Malinao at Lazaan; mga makabagong patubig sa mga lupang halamanaan sa kabundukan na maihahalintulad sa mga modernong irrigation ng vegetable plantations sa Benguet; Maayos at libreng padaluyang tubig papunta sa mga kabahayan;  Isang malaking Training Center na itatayo sana sa brgy. Abo upang patuloy na maglilinang ng mga makabagong pamamaraan sa agrikultura at Isang Orchidarium sa brgy. Bukal na magtataglay sana ng mga naggagandahang halaman ng kabundukan na matatagpuan sa ating kagubatan, tuklasin  ang paraan para maalagaan at mapalago ang mga halaman upang maging isang malaking industriya ng bayan. Magbubukas po sana ng isang malaking pinto ng oportunidad sa bayan at sa mga magsasakang mamamayan ng kasaganahan sa impastraktura, agrikultura at tuloy pagsigla pa ng turismo at tuloy ekonomiya ng buong bayan. Hindi ko po alam kung meron pang nakaka alala sa inyo ng detalye ng JICA project sa Upland barangays ng bayan ng Nagcarlan, Liliw at Majayjay.  Nawa’y sa kasalukuyang pamunuan…mayron pang malaking biyayang tulad ng JICA project na dumating sa ating harapan.  Buo pa po ang aking pag-asa na darating ito sa ating bayan.




Kung meron ang mga taga itaas, hindi din po pwedeng isantabi ang mga tagalabak. Isang modernong Fruit &Vegetable Dehydration Facility sa brgy. Wakat upang makapagbigay hanapbuhay sa mga mamamayan doon.  Isang teknolohiyang magbibigay ng bagong mukha ng ating mga aning gulay at prutas upang hindi ito mabulok at mapakinabangan pa ng lubos. Walang tapon kung baga. 12 taon nang namamayapa si ka Demet, pero wala pa akong nariringgan ng ganitong idea o inobasyon o programa kaya na isasagawa sa Nagcarlan.  Gayunpaman, hindi pa rin po ako nawawalan ng pag-asa na mangunguna ang ating bayan  sa ganitong larangan kung mapag-uukulan lang ng tunay na pansin ng ating mga pinuno. May pag-asa pa.

Rubber tree Plantation sa iba pang mga kalupaan ng Nagcarlan.  Ayon kay ka Demet, malaki ang potensyal ng industriya ng goma kung mapasisimulan ang malawakang programa sa lalong madaling panahon. May industriyang pakikinabangan habang napananatili nating mayabong ang ating kapaligiran. Hindi kinakalbo…hindi sinusunog, hindi kinakaingin, hindi inuuling o ginagawang maliliit na subdibisyong walang ganap at disenteng pasilidad para sa tao.

Natatandaan ko po na sa panunugkulan ni ka Demet….ang pagpapagawa at pagsasaayos ng mga daanang tulad nito, kasama na ang paghahatid ng kuryente at patubig sa bawat tahanan ng lahat ng lehitimong mamayan ay basikong pangangailangan at pangkaraniwan sa mga programang kanyang isinagawa.





Natatandaan ko rin po na tapos na ang kanyang panunungkulan bilang punumbayan ay may hiniling pa siya kay dating pangulong Joseph Estrada na sa pamamagitan ni Col. Reynaldo Vista, ng US Army 339 Combat Hospital payagan ang United States Army na magdonate ng isang mobile hospital na magbibisita sa mga kanayunang barangay ng Nagcarlan, pati na rin sa mga kanayunang barangay ng buong lalawigan na Laguna at magbigay ng libreng tulong medical at mga gamut para sa mga nangangailangan. Sa kasamaang palad, sa ilang kakatwang kadahilanan…hindi po ito naisakatuparan.

Si ka Demet po ay isang CPA at bank Examiner sa Central bank of the Philippines. Marahil nga ay nagtataka ang mga tao noong kapanahunan niya  kung bakit kailangan pa niyang talikuran ang kanyang propesyon para lang maging isang public servant at pumasok sa masalimuot na larangan ng pulitika.  Dati po ay hindi ko maubos maisip kung bakit nga niya kailangang gawin iyon sa kabila ng kanyang  estado sa buhay, abala sa trabaho at mga negosyong kanilang ipinundar sa lalawigan ng Quezon at sa hilagang mga probinsiya ng Luzon. Ngunit nang lumaon…nang siya’y nakaluklok na bilang punumbayan nalaman ko ang dahilan:  Pagmamalasakit sa bayan na kanyang pinagmulan. 

Nagmula sa pamilya ng maliit na magsasaka sa brgy. Cabuyew. At tulad ng pinagtagumpayan niya…. pangarap po niyang hanguin sa hirap ang mga mamamayan lalo na ang mga magsasaka at magkaron ng parehong oportunidad katulad ng mga may pinag-aralan. Kaya nga po sa panahon din ng kanyang panunugkulan, nagkaroon ng Kolehiyo dito sa ating bayan ang LSPC para makapag-aral ang mahihirap nating mga kababayan sa tulong ng pamahalaang local na ipinanghihingi niya ng tulong sa kahit sinong kakilalang maaaring makapag-ambag sa programa.  Mapalad po tayo at nanatili ang paaralan hanggang sa kasalukuyan ang LSPU na balita ko’y nadagdagan pa ng mga kurso maaring pag-aralan.

Kung buhay si ka Demet ngayon…hindi ko po alam kung ano ang nasasaisip niya. Minsan ay hindi ko agad mahukay kung ano ang nilalaman ng kanyang kaisipan. Malalim….long term ang approach kung kaya hindi mo agad madama ang buting dulot ng kanyang kaisipan.  Meron po akong natatandaan na kinatatakutan niya noon….ang migrasyon ng mga dayuhan sa ating bayan. Ito na rin po siguro ang panahon para ibahagi ko din sa inyo ang bagay na iyan upang sa ating mga nanunugkulan ay mapaghandaan at makagawa ng mga angkop na polisiya ukol dito.

Hindi ko din po lubos na batid kung ano ang nararamdaman ni ka Demet kung siya ay buhay at naririto sa ating harapan ngayon…..nagsasalita sa halip na ang inyong lingkod. Pero dahil sa dama ko at dama rin ng kanyang buong pamilyang kasama ko ngayon ang pakay ng mga namatnugot sa pagpapangalan sa daang ito…..marahil ay makukumbinsi din natin siya na ito ang paraan para maalala siya ng mga mamamayang minsan niyang minahal at pinagsilbihan ng tapat, kasama na ang mga generasyong susunod sa kanila. Si “ka Demet” isang mapagmahal na lider at may matibay na paninindigan para sa kapakanan ng kanyang bayan.

At sa mga may nais nakabasa ng kanyang kompletong biyograpiya:

Muli po, pinahahalagahan at tinatanaw ng buong pamilya ang pagsisikap ng mga mga pinunong nagbigay ng panahon para sa katuparan ng kaganapang ito.  Mula sa amin patungo sa inyo….Maraming-maraming salamat po. 

Pagpalain nawa tayo at ang daanang ito ng poong Maykapal.