Ang araw pong ito ang ika-84 na kaarawan ni Kgg. Demetrio
T.Comendador kung siya’y nabubuhay pa. Si “ka Demet” kung siya’y tawagin ng
karamihang kababayan nang kanyang panahon.
May 12 taon na din po tayong iniwan ni Ka Demet. Ngayon ay tiyak kong tinatanaw niya tayong lahat mula sa kinalalagyan niya. Hindi ko po alam ang kanyang tunay na saloobin sa ginagawa natin ngayon. Ngunit ngayon din pagkakataong ito, habang isinasagawa natin ang okasyong ito habang -naririnig niya ang ating pakay kung bakit natin ginagawa ito…..tinitiyak ko ang kanyang sinserong pasasalamat sa mga naging tagapag paganap nito.
May 12 taon na din po tayong iniwan ni Ka Demet. Ngayon ay tiyak kong tinatanaw niya tayong lahat mula sa kinalalagyan niya. Hindi ko po alam ang kanyang tunay na saloobin sa ginagawa natin ngayon. Ngunit ngayon din pagkakataong ito, habang isinasagawa natin ang okasyong ito habang -naririnig niya ang ating pakay kung bakit natin ginagawa ito…..tinitiyak ko ang kanyang sinserong pasasalamat sa mga naging tagapag paganap nito.
I have known ka Demet as a man of vision and conviction. Totoong ang lahat ng tao’y may pangarap, lihim
man o hayag. Ngunit si ka Demet ay may kakaibang katangian. Ang kanyang
pangarap, kapag kanyang ipinahayag……gagawin niyang pilit upang makamtan. Kaya
naman, noong panahon niya bilang punumbayan…kapag siya’y nangako. Tiyak iyon….asahan
mo.
Tulad ng nasulat sa kanyang biyograpiya. Nakalatag doon ang
kanyang mga naisagawa sa loob ng 12 taon niyang panunugkulang bilang
punumbayan. Mula 1986-hanggang 1998, nagkaron tayo ng Ama ng bayan na pwede
nating ipagmalaki kanino man. Maraming bagay ang kanyang pinangunahan na
kung iisipin at ihahabing sa panahong kasalukuyan ay isa palang kahanga-hangang achievement.
Siya po ang kauna-unahang pangulo ng liga ng mga punong bayan
sa buong Laguna mula 1988-1992. Si ka
Demet din po sa kanyang panunungkulan ang unang nagsagawa ng masigla at
masayang Festival na sa kasalukuyang panahon ay tinutularan pa hindi lamang ng
mga karatig bayan kundi ng maraming lugar at karatig probinsiya. Sa panahon ni
ka Demet naging masigla ang agrikultura ng bayan dahil dinala niya dito ang Unibersidad
ng Pilipinas ng Los Banos at ng Baguio City upang pangunahan at turuan ang ating
mga magsasaka. Nagkaron tayo ng mga ani
tulad ng broccoli, cauliflower, letsyugas, carrots at strawberries, opo. Ang
Nagcarlan din ang may pinakamurang karne sa pamilihan noong panahon ni ka
Demet. Bakit ka ninyo? Dahil sa isang
kasunduang ipinatupad ng mga maghahayupan, manininda at ng local na pamahalaan.
Dahil dito, dinarayo ang ating bayan ng mga mamimili mula sa ibang bayan.
Masigla ang kalakalan.
Ang kauna-unahang bottled Mineral water ng Pilipinas, ang
“Hidden Spring” ay dito kinuha sa ating bayan at sa label nito na nakadikit sa
botelya ay buong pagmamalaki na nakalagay “from the prestine spring of
Nagcarlan, Laguna”. Panahon din po iyan ni ka Demet.
Ang bahay pamahalaan po ay may magandang asotea. Sa asotea
kung nakaupo ka doon mahusay na matatanaw ang mga kabundukang nakatanglaw sa
atin, ang Bundok Banahaw at Cristobal, napakaganda. Dati po ay walang bubong ang asoteyang iyan.
Nagkaron ng pagkakataon na may mga Narrang tablon mula sa Mauban, Quezon ang
iligal na dumaan sa lugar natin. Dahil kay ka Demet….hindi naglaho ang mga
tablang Narra na iyon o naging perang pakinabang ng iilan lamang Bagkos pinakinabangan pa ng bayan upang
pagandahin ang gusaling pampamahalaang bayan.
Ipinagawa at pinadagdagan ang mga silid ng gusali at naging bahagi na
din ito ng kasaysayan ng ating bayan.
Napakarami pa pong akda ni ka Demet kung aking iisaisahin. Ang akin pong nabanggit ay ilan lamang sa mga
pinagtagumpayan niyang pangarap. Kung may
pinagtagumpayan…meron din po siyang ilang pangarap na hindi naisakatuparan
dahil sa kakulangan na rin ng panahon at ng sapat na pagkakataon.
Ang JICA Project. Isang multi-milyong dolyar na proyektong
magbibigay sana sa bayan ng magagandang daanan mula at patungo sa kabundukang
kanayunan ng Abo, Bukal, Oples, Malinao at Lazaan; mga makabagong patubig sa
mga lupang halamanaan sa kabundukan na maihahalintulad sa mga modernong
irrigation ng vegetable plantations sa Benguet; Maayos at libreng padaluyang
tubig papunta sa mga kabahayan; Isang
malaking Training Center na itatayo sana sa brgy. Abo upang patuloy na
maglilinang ng mga makabagong pamamaraan sa agrikultura at Isang Orchidarium sa
brgy. Bukal na magtataglay sana ng mga naggagandahang halaman ng kabundukan na
matatagpuan sa ating kagubatan, tuklasin ang paraan para maalagaan at mapalago ang mga
halaman upang maging isang malaking industriya ng bayan. Magbubukas po sana ng
isang malaking pinto ng oportunidad sa bayan at sa mga magsasakang mamamayan ng
kasaganahan sa impastraktura, agrikultura at tuloy pagsigla pa ng turismo at
tuloy ekonomiya ng buong bayan. Hindi ko po alam kung meron pang nakaka alala
sa inyo ng detalye ng JICA project sa Upland barangays ng bayan ng Nagcarlan,
Liliw at Majayjay. Nawa’y sa
kasalukuyang pamunuan…mayron pang malaking biyayang tulad ng JICA project na
dumating sa ating harapan. Buo pa po ang
aking pag-asa na darating ito sa ating bayan.
Kung meron ang mga taga itaas, hindi din po pwedeng isantabi
ang mga tagalabak. Isang modernong Fruit &Vegetable Dehydration Facility
sa brgy. Wakat upang makapagbigay hanapbuhay sa mga mamamayan doon. Isang teknolohiyang magbibigay ng bagong mukha
ng ating mga aning gulay at prutas upang hindi ito mabulok at mapakinabangan pa
ng lubos. Walang tapon kung baga. 12 taon nang namamayapa si ka Demet, pero
wala pa akong nariringgan ng ganitong idea o inobasyon o programa kaya na
isasagawa sa Nagcarlan. Gayunpaman,
hindi pa rin po ako nawawalan ng pag-asa na mangunguna ang ating bayan sa ganitong larangan kung mapag-uukulan lang
ng tunay na pansin ng ating mga pinuno. May pag-asa pa.
Rubber tree Plantation sa iba pang mga kalupaan ng Nagcarlan.
Ayon kay ka Demet, malaki ang potensyal
ng industriya ng goma kung mapasisimulan ang malawakang programa sa lalong madaling
panahon. May industriyang pakikinabangan habang napananatili nating mayabong ang
ating kapaligiran. Hindi kinakalbo…hindi sinusunog, hindi kinakaingin, hindi
inuuling o ginagawang maliliit na subdibisyong walang ganap at disenteng
pasilidad para sa tao.
Natatandaan ko po na sa panunugkulan ni ka Demet….ang pagpapagawa at pagsasaayos ng mga daanang tulad nito, kasama na ang paghahatid ng kuryente at patubig sa bawat tahanan ng lahat ng lehitimong mamayan ay basikong pangangailangan at pangkaraniwan sa mga programang kanyang isinagawa.
Natatandaan ko rin po na tapos na ang kanyang panunungkulan
bilang punumbayan ay may hiniling pa siya kay dating pangulong Joseph Estrada
na sa pamamagitan ni Col. Reynaldo Vista, ng US Army 339 Combat Hospital payagan
ang United States Army na magdonate ng isang mobile hospital na magbibisita sa
mga kanayunang barangay ng Nagcarlan, pati na rin sa mga kanayunang barangay ng
buong lalawigan na Laguna at magbigay ng libreng tulong medical at mga gamut para
sa mga nangangailangan. Sa kasamaang palad, sa ilang kakatwang
kadahilanan…hindi po ito naisakatuparan.
Si ka Demet po ay isang CPA at bank Examiner sa Central bank of the Philippines. Marahil nga ay nagtataka ang mga tao noong kapanahunan niya kung bakit kailangan pa niyang talikuran ang kanyang propesyon para lang maging isang public servant at pumasok sa masalimuot na larangan ng pulitika. Dati po ay hindi ko maubos maisip kung bakit nga niya kailangang gawin iyon sa kabila ng kanyang estado sa buhay, abala sa trabaho at mga negosyong kanilang ipinundar sa lalawigan ng Quezon at sa hilagang mga probinsiya ng Luzon. Ngunit nang lumaon…nang siya’y nakaluklok na bilang punumbayan nalaman ko ang dahilan: Pagmamalasakit sa bayan na kanyang pinagmulan.
Nagmula sa pamilya ng maliit na magsasaka sa brgy. Cabuyew. At tulad ng pinagtagumpayan niya…. pangarap po niyang hanguin sa hirap ang mga mamamayan lalo na ang mga magsasaka at magkaron ng parehong oportunidad katulad ng mga may pinag-aralan. Kaya nga po sa panahon din ng kanyang panunugkulan, nagkaroon ng Kolehiyo dito sa ating bayan ang LSPC para makapag-aral ang mahihirap nating mga kababayan sa tulong ng pamahalaang local na ipinanghihingi niya ng tulong sa kahit sinong kakilalang maaaring makapag-ambag sa programa. Mapalad po tayo at nanatili ang paaralan hanggang sa kasalukuyan ang LSPU na balita ko’y nadagdagan pa ng mga kurso maaring pag-aralan.
Kung buhay si ka Demet ngayon…hindi ko po alam kung ano ang
nasasaisip niya. Minsan ay hindi ko agad mahukay kung ano ang nilalaman ng
kanyang kaisipan. Malalim….long term ang approach kung kaya hindi mo agad
madama ang buting dulot ng kanyang kaisipan.
Meron po akong natatandaan na kinatatakutan niya noon….ang migrasyon ng
mga dayuhan sa ating bayan. Ito na rin po siguro ang panahon para ibahagi ko
din sa inyo ang bagay na iyan upang sa ating mga nanunugkulan ay mapaghandaan
at makagawa ng mga angkop na polisiya ukol dito.
Hindi ko din po lubos na batid kung ano ang nararamdaman ni
ka Demet kung siya ay buhay at naririto sa ating harapan ngayon…..nagsasalita
sa halip na ang inyong lingkod. Pero dahil sa dama ko at dama rin ng kanyang
buong pamilyang kasama ko ngayon ang pakay ng mga namatnugot sa pagpapangalan
sa daang ito…..marahil ay makukumbinsi din natin siya na ito ang paraan para
maalala siya ng mga mamamayang minsan niyang minahal at pinagsilbihan ng tapat,
kasama na ang mga generasyong susunod sa kanila. Si “ka Demet” isang mapagmahal
na lider at may matibay na paninindigan para sa kapakanan ng kanyang bayan.
At sa mga may nais nakabasa ng kanyang kompletong biyograpiya:
Pagpalain nawa tayo at ang daanang ito ng poong Maykapal.