“Ka Demet”
Punumbayan 1986-1998
Nagcarlan, Laguna
Nagcarlan, Laguna
Pangatlo sa limang supling ng mag-asawang Eugenio Sotalbo Comendador at Pacita Tuico Comendador, mga inanak ng bayan ng Nagcarlan. Hinubog ang kaisipan ng batang si Demet ng Nagcarlan Central School (CGMES sa kasalukuyan) at Rizal Standard Academy. Nagtapos ng kurso sa Institute of Accounts, Business and Finance (IABF) ng Far Eastern University, Manila at agad na nagkaroon ng pagkakataong makapaglingkod bilang kawani sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Hindi nagtagal, matapos makamit ang kanyang lisensiya bilang isang ganap na Certified Public Accountant (CPA), naging “Bank Examiner” si “ka Demet” at patuloy na namayagpag sa kanyang propesyon. Sa kanyang pagpupunyagi, naging sandigan at inspirasyon niya ang kanyang maybahay, isang parmasiyotika na si Victoria Rubindias Bueta at ang kanilang mga anak na sina Gregor, Noel at Debbie Ruth.
Kasabay
ng kanyang paninilbihan sa Maynila, ang asawa niyang si Victoria ang kaakibat
niyang nagtaguyod ng iba pa nilang kabuhayan sa bayan ng Catanauan, lalawigan
ng Quezon. Isang botika, mga lupang
sakahan at mga bus pangtransportasyon: ang pamosong Comendador Transit na may rutang Lucena-Mulanay.
Taong
1986, matapos ang makasaysayan at mapayapang rebolusyon sa EDSA, nagpasyang
pasukin ni “ka Demet” ang larangan ng pulitika nang mahirang na
Punong-Tagapangalaga (OIC) ng bayan ng Nagcarlan sa ilalim ng pamamatnugot ni
Gobernador Felicisimo San Luis. Pagmamahal
sa bayang sinilangan, malasakit sa mamamayan at isang kahali-halinang Nagcarlan
ang naging marubdob niyang nais upang
akayin ang mahal na bayan sa inaasam niyang kaunlaran para dito. Matapos ng tatlong taong panunungkulan bilang
OIC, sa pagtataguyod, paniniwala at pagmamahal na rin ng mga mamamayan ay
tatlong termino pang paulit-ulit na nahalal (siyam na taon) bilang punumbayan
ng Nagcarlan. Kasabay ng pagiging punumbayan,
nahalal ding Pangkalahatang Tagapangulo at pinamunuan ang Liga ng mga Punumbayan
ng Laguna mula 1988-1992.
Sa
loob ng labindalawang taon na panunugkulan ni “ka Demet” bilang punumbayan,
binlangkas at unti-unting isinakatuparan ang mga pangarap na kaunlaran para sa
bayan. Kalsada, tulay, komunikasyon at elektripikasyon
sa mga kanayunan, paglinang ng mga bagong sistemang patubig para sa mga
barangay at kasunod nito ang pagpapasigla ng gawaing pang-agrikulutura ng bawat
kanayunan bilang pangunahing kabuhayan. Pinagsikapan kaakibat ang tulong ng mga
opisyal mula sa Unibersidad ng Pilipinas, unti-unting pinasigla ang
paghahalaman at tuloy ipinakilala ang Nagcarlan bilang “vegetable basket” ng Southern Tagalog. Kasabay sa pagpapaunlad ng Agrikultura,
inilunsad at pinasinayaan ang kauna-unahang kolehiyo ng Nagcarlan, ang Laguna
State Polytechnic College (LSPC o LSPU sa kasalukuyan). Binuksan ang LSPC
Nagcarlan Complex Satellite Campus sa CGMES at sa Municipal Compound na may mga
kurso sa paghahalaman at paghahayupan. Sa
pagtataguyod dito, pinalakas pa ni “ka Demet” ang programang magpapasigla ng
kalakalan ng sariwa at de-kalidad na produktong karne at gulay. Sa kanyang pamumuno ipinatayo ang bagong
Pamilihang Bayan ng Nagcarlan na tinangkilik pati ng mamamayan ng mga karatig
bayan at siyudad dahil sa murang mga bilihin at magagandang uri ng produktong
itinitinda dito. Sumigla ang mga negosyo
at naging popular ang kalakalan ng karneng baboy kasabay ng masiglang merkado
ng mga gulay mula sa kabundukan ng Nagcarlan.
Sa
kanyang panunungkulan nagkaroon ng opisyal sa simbolo ang bayan ng Nagcarlan
mula sa isang patimpalak sa sining na sinalihan ng mga mag-aaral ng lahat
ng paaralan ng bayan.
Ang
mataas na pagpapahalaga sa kultura at sining ang nagbigay bunsod kay “ka Demet”
upang balangkasin katulong ang Nagcarlan Community
Development Council (NCDC) at pasimulan
ang kaunaunahang pestibal sa Rehiyon ng Timog Katagalugan: Ang “Nagcarlan Lansones Festival” na sa
panahon din ng kanyang panunugkulan ay malaong tinaguriang “Ana Kalang
Pestibal”. Sa pestibal, patuloy pang itinanghal ang bayan sa kanyang katangi-tanging
pagpupunyagi sa larangan ng Agrikultura, pinalalakas na Industriya , mayamang sining
at kultura upang itaguyod sa pangkabuuan ang pagpapasigla ng turismo para sa
Nagcarlan. Dahil dito, sa pamumuno
nitong si kgg. Demetrio T. Comendador, naging bukambibig ng marami ang
Nagcarlan at kinilala ang bayan na nagsilbi ring inspirasyon sa iba pang mga
munisipalidad upang maglunsad ng kani-kanilang pestibal.
Ang
katahimikan at kaayusan ay isa rin sa pangunahing programa sa panunungkulan ni
“Ka Demet”. Sa pamumuno niya itinatag
ang “Bantay Krimen” na umani ng maraming pagkilala sa ipinamamalas na husay
paglilingkod at kabayanihan hindi lamang sa lokal na nasasakupan kundi pati na
rin sa lalawigan.
Sa
paglago ng bayan, kasabay din nito ang
pagsasaayos, pagpapalaki at pagdaragdag
ng mga gusaling pampamahalaan sa layuning mapagsilbihan pa ng lubusan ang mga mamamayan.
Mula sa pagsasaayos at pagdadagdag ng ilan pang silid sa gusaling
pampamahalaan, ipinatayo din ang malaking Multi-Purpose Hall at covered court
with stage sa gawing likuran ng bakuran
ng pamahalaang bayan. Hindi naglaon, upang mabilis na pagsilbihan naman ang mga
mamumuhunan ng sumisiglang kalakalan ng bayan, ipinatayo ang “One-stop Center”
ng Nagcarlan katabi ng Multi-Purpose Hall.
Pangarap pa ni “ka Demet” na mapagandang lubos ang Multi-Purpose Hall at
gawin itong enclosed multi-functional hall with bleachers na pwedeng
pagtanghalan ng mga programang pang
sining at kultura, panturismo pati na rin pampalakasan para sa mga
kabataan.
Patuloy
pang kinilala ang Nagcarlan ng mga karatig bayan sa masigasig na pagtataguyod
ni “ka Demet”. Sa panahon din ng
pamamatnugot niya nagkaroon ng isang napakagandang pagkakaton upang mas
mapaunlad pa ang bayan sa larangan ng imprastraktura at agrikultura. Ang pagsasagawa ng multi-milyong proyekto sa
tulong ng JICA (Japanese International Cooperation Agency). Ito’y kinabibilangan ng mga proyektong daanan
mula kabundukan hanggang kabayanan, tramline system na magpapabilis ng
kalakalan ng mga produktong gulay mula sa kabundukan, modernisasyon ng
irigasyon para sa mga “high-value crops” sa kabundukan pati na rin ang modernong
patubig sa bawat tahanan ng upland barangays,
Orchidarium, post harvest facilities at training center ng teknolohiyang
pansakahan na magpapalakas sa kakayahang agikultural ng mga magsasaka.
Makalikasan
si “ka Demet”. Malaki ang pagpupunyagi niyang isulong at mapanatili ang tamang
kamalayan at pagmamahal ng tao sa kanyang kalikasan. Ika-12 ng Hunyo ng bawat taon ay isinasagawa
ang malawakang pagtatanim ng mga puno at bungang kahoy sa mga watershed areas,
at sa palipaligid kung saan kailangan ang mga ito. Kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan
naniniwala si “ka Demet” na sa araw din
ng pagdiriwang natin ng ating kasarinlan kailangang pukawin ang kasipan ng mga mamamayan
upang pahalagahan ang kalikasan at iahon ang bayan sa kahirapan. Bilang isa sa mga lider ng Protected Area
Management Board ng lalawigan ng Laguna (PAMB), na namamatnugot sa pangangalaga
ng kabundukang Banahaw at San Cristobal, mahigpit na binantayan ang kabundukan
laban sa mga mapagsamantala at pinanatilihing mayaman ang kagubatan sa paligid
ng mga kabundukang mabanggit. Sa
pangunguna din niya pumagitna si “ka Demet” upang tutulan ang pagsasakatuparan
ng isang ambisyosong pyoyekto ng pamahalaang nasyonal: ang “Hopewell Project”
na may naising butasin ang kabundukan ng Banahaw upang gumawa ng lagusan mula
at patungo sa baybayin ng Pagbilao, Quezon.
Tahasang ipinaglaban ni “ka Demet” ang pagpapanatiling birhen ng mga
kabundukang saklaw ng bayan ng Nagcarlan.
At
upang mas mailapit naman sa kamaynilaan ang bayan ng Nagcarlan, pinagsumikapan din
ni “ka Demet” maisaayos at tuluyang
mapakinabangan ang Nagcarlan-Calauan road na magpapabilis ng paglalakbay
mula at pagtungo sa sentro ng komersiyo at kalakalan. Proyektong magtataglay ng
mas marami pang oportunidad na pinakikinabangan na sa kasalukuyang panahon.
May
pagpapahalagang spiritual din si “ka Demet”. Bago pa niya pamunuan ang bayan ay
naghahandog na siya ng kanyang panahon at kakayahan bilang kaanib sa “Cursillos
in Christianity” D’ Auxilliaries Team.
Sa pamamagitan din niya ay itinatag ang “Little Friends of Jesus”
Cursillo team noong 1996 na kinabibilangan ng mga kursilistang kababayan sa
Nagcarlan, Laguna, Catanauan, Quezon at mga karatig pang munisipalidad.
Sa pagbaba niya sa kanyang tungkulin bilang ama ng bayan Hunyo taong 1998, pinangarap pa niyang muling maglingkod sa mamamayan at tuloy sa mas malaki pang nasasakupan.
Mula
sa kanyang patuloy na pag-asam at
pangarap na madugtungan pa ang naisin
para sa kapakanan ng kanyang bayan, batid niyang hindi na niya maisasakatuparan
iyon dahil sa kalagayan ng kanyang kalusugan.
Setyembre 17, 2002 namayapa si “ka Demet” sa edad na pitumput dalawa taglay
ang pag-asang marating pa ng kanyang mahal na bayang Nagcarlan ang pangarap
niyang kasaganaan para sa mga mamamayan nito.