Friday, January 10, 2014

Talambuhay: Kgg. Demetrio Tuico Comendador


“Ka Demet”
Punumbayan 1986-1998
Nagcarlan, Laguna

(August 14, 1930 – September 17, 2002)

Pangatlo sa limang  supling ng mag-asawang Eugenio Sotalbo Comendador at Pacita Tuico Comendador, mga inanak ng bayan ng Nagcarlan. Hinubog ang kaisipan ng batang si Demet ng Nagcarlan Central School (CGMES sa kasalukuyan) at Rizal Standard Academy.  Nagtapos ng kurso sa Institute of Accounts, Business and Finance (IABF) ng Far Eastern University, Manila at agad na nagkaroon ng pagkakataong makapaglingkod bilang kawani sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Hindi nagtagal, matapos makamit ang kanyang lisensiya bilang isang ganap na Certified Public Accountant (CPA), naging “Bank Examiner” si “ka Demet” at patuloy na namayagpag sa kanyang propesyon. Sa kanyang pagpupunyagi, naging sandigan at inspirasyon  niya ang kanyang maybahay,   isang parmasiyotika na si Victoria Rubindias Bueta  at ang kanilang mga anak na sina Gregor, Noel at Debbie Ruth.

Kasabay ng kanyang paninilbihan sa Maynila, ang asawa niyang si Victoria ang kaakibat niyang nagtaguyod ng iba pa nilang kabuhayan sa bayan ng Catanauan, lalawigan ng Quezon.  Isang botika, mga lupang sakahan at mga bus pangtransportasyon: ang pamosong Comendador Transit  na may rutang Lucena-Mulanay. 

Taong 1986, matapos ang makasaysayan at mapayapang rebolusyon sa EDSA, nagpasyang pasukin ni “ka Demet” ang larangan ng pulitika nang mahirang na Punong-Tagapangalaga (OIC) ng bayan ng Nagcarlan sa ilalim ng pamamatnugot ni Gobernador Felicisimo San Luis.  Pagmamahal sa bayang sinilangan, malasakit sa mamamayan at isang kahali-halinang Nagcarlan ang  naging marubdob niyang nais upang akayin ang mahal na bayan sa inaasam niyang kaunlaran para dito.  Matapos ng tatlong taong panunungkulan bilang OIC, sa pagtataguyod, paniniwala at pagmamahal na rin ng mga mamamayan ay tatlong termino pang paulit-ulit na nahalal (siyam na taon) bilang punumbayan ng Nagcarlan.  Kasabay ng pagiging punumbayan, nahalal ding Pangkalahatang Tagapangulo at pinamunuan ang Liga ng mga Punumbayan ng Laguna mula 1988-1992. 

Sa loob ng labindalawang taon na panunugkulan ni “ka Demet” bilang punumbayan, binlangkas at unti-unting isinakatuparan ang mga pangarap na kaunlaran para sa bayan.  Kalsada, tulay, komunikasyon at elektripikasyon sa mga kanayunan, paglinang ng mga bagong sistemang patubig para sa mga barangay at kasunod nito ang pagpapasigla ng gawaing pang-agrikulutura ng bawat kanayunan bilang pangunahing kabuhayan. Pinagsikapan kaakibat ang tulong ng mga opisyal mula sa Unibersidad ng Pilipinas, unti-unting pinasigla ang paghahalaman at tuloy ipinakilala ang Nagcarlan bilang “vegetable basket” ng  Southern Tagalog.  Kasabay sa pagpapaunlad ng Agrikultura, inilunsad at pinasinayaan ang kauna-unahang kolehiyo ng Nagcarlan, ang Laguna State Polytechnic College (LSPC o LSPU sa kasalukuyan). Binuksan ang LSPC Nagcarlan Complex Satellite Campus sa CGMES at sa Municipal Compound na may mga kurso sa paghahalaman at paghahayupan.  Sa pagtataguyod dito, pinalakas pa ni “ka Demet” ang programang magpapasigla ng kalakalan ng sariwa at de-kalidad na produktong karne at gulay.  Sa kanyang pamumuno ipinatayo ang bagong Pamilihang Bayan ng Nagcarlan na tinangkilik pati ng mamamayan ng mga karatig bayan at siyudad dahil sa murang mga bilihin at magagandang uri ng produktong itinitinda dito.  Sumigla ang mga negosyo at naging popular ang kalakalan ng karneng baboy kasabay ng masiglang merkado ng mga gulay mula sa kabundukan ng Nagcarlan.

Sa kanyang panunungkulan nagkaroon ng opisyal sa simbolo ang bayan ng Nagcarlan mula sa isang patimpalak sa sining na sinalihan ng mga mag-aaral ng lahat ng  paaralan ng bayan.

Ang mataas na pagpapahalaga sa kultura at sining ang nagbigay bunsod kay “ka Demet” upang balangkasin katulong ang Nagcarlan Community Development Council (NCDC) at pasimulan ang kaunaunahang pestibal sa Rehiyon ng Timog Katagalugan:  Ang “Nagcarlan Lansones Festival” na sa panahon din ng kanyang panunugkulan ay malaong tinaguriang “Ana Kalang Pestibal”. Sa pestibal, patuloy pang itinanghal ang bayan sa kanyang katangi-tanging pagpupunyagi sa larangan ng Agrikultura, pinalalakas na Industriya , mayamang sining at kultura upang itaguyod sa pangkabuuan ang pagpapasigla ng turismo para sa Nagcarlan.  Dahil dito, sa pamumuno nitong si kgg. Demetrio T. Comendador, naging bukambibig ng marami ang Nagcarlan at kinilala ang bayan na nagsilbi ring inspirasyon sa iba pang mga munisipalidad upang maglunsad ng kani-kanilang pestibal.

Ang katahimikan at kaayusan ay isa rin sa pangunahing programa sa panunungkulan ni “Ka Demet”.  Sa pamumuno niya itinatag ang “Bantay Krimen” na umani ng maraming pagkilala sa ipinamamalas na husay paglilingkod at kabayanihan hindi lamang sa lokal na nasasakupan kundi pati na rin sa lalawigan.

Sa paglago ng  bayan, kasabay din nito ang pagsasaayos, pagpapalaki  at pagdaragdag ng mga gusaling pampamahalaan sa layuning mapagsilbihan pa ng lubusan ang mga mamamayan. Mula sa pagsasaayos at pagdadagdag ng ilan pang silid sa gusaling pampamahalaan, ipinatayo din ang malaking Multi-Purpose Hall at covered court with stage sa gawing  likuran ng bakuran ng pamahalaang bayan. Hindi naglaon, upang mabilis na pagsilbihan naman ang mga mamumuhunan ng sumisiglang kalakalan ng bayan, ipinatayo ang “One-stop Center” ng Nagcarlan katabi ng Multi-Purpose Hall.  Pangarap pa ni “ka Demet” na mapagandang lubos ang Multi-Purpose Hall at gawin itong enclosed multi-functional hall with bleachers na pwedeng pagtanghalan ng mga programang pang  sining at kultura, panturismo pati na rin pampalakasan para sa mga kabataan.

Patuloy pang kinilala ang Nagcarlan ng mga karatig bayan sa masigasig na pagtataguyod ni “ka Demet”.  Sa panahon din ng pamamatnugot niya nagkaroon ng isang napakagandang pagkakaton upang mas mapaunlad pa ang bayan sa larangan ng imprastraktura at agrikultura.  Ang pagsasagawa ng multi-milyong proyekto sa tulong ng JICA (Japanese International Cooperation Agency).  Ito’y kinabibilangan ng mga proyektong daanan mula kabundukan hanggang kabayanan, tramline system na magpapabilis ng kalakalan ng mga produktong gulay mula sa kabundukan, modernisasyon ng irigasyon para sa mga “high-value crops” sa kabundukan pati na rin ang modernong patubig sa bawat tahanan ng upland barangays,  Orchidarium, post harvest facilities at training center ng teknolohiyang pansakahan na magpapalakas sa kakayahang agikultural ng mga magsasaka.

Makalikasan si “ka Demet”. Malaki ang pagpupunyagi niyang isulong at mapanatili ang tamang kamalayan at pagmamahal ng tao sa kanyang kalikasan.  Ika-12 ng Hunyo ng bawat taon ay isinasagawa ang malawakang pagtatanim ng mga puno at bungang kahoy sa mga watershed areas, at sa palipaligid kung saan kailangan ang mga ito.  Kasabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan naniniwala si “ka Demet” na sa  araw din ng pagdiriwang natin ng ating kasarinlan kailangang pukawin ang kasipan ng mga mamamayan upang pahalagahan ang kalikasan at iahon ang bayan sa kahirapan.  Bilang isa sa mga lider ng Protected Area Management Board ng lalawigan ng Laguna (PAMB), na namamatnugot sa pangangalaga ng kabundukang Banahaw at San Cristobal, mahigpit na binantayan ang kabundukan laban sa mga mapagsamantala at pinanatilihing mayaman ang kagubatan sa paligid ng mga kabundukang mabanggit.   Sa pangunguna din niya pumagitna si “ka Demet” upang tutulan ang pagsasakatuparan ng isang ambisyosong pyoyekto ng pamahalaang nasyonal: ang “Hopewell Project” na may naising butasin ang kabundukan ng Banahaw upang gumawa ng lagusan mula at patungo sa baybayin ng Pagbilao, Quezon.  Tahasang ipinaglaban ni “ka Demet” ang pagpapanatiling birhen ng mga kabundukang saklaw ng bayan ng Nagcarlan.

At upang mas mailapit naman sa kamaynilaan ang bayan ng Nagcarlan, pinagsumikapan din ni “ka Demet” maisaayos at tuluyang  mapakinabangan ang Nagcarlan-Calauan road na magpapabilis ng paglalakbay mula at pagtungo sa sentro ng komersiyo at kalakalan. Proyektong magtataglay ng mas marami pang oportunidad na pinakikinabangan na sa kasalukuyang panahon.

May pagpapahalagang spiritual din si “ka Demet”. Bago pa niya pamunuan ang bayan ay naghahandog na siya ng kanyang panahon at kakayahan bilang kaanib sa “Cursillos in Christianity” D’ Auxilliaries Team.  Sa pamamagitan din niya ay itinatag ang “Little Friends of Jesus” Cursillo team noong 1996 na kinabibilangan ng mga kursilistang kababayan sa Nagcarlan, Laguna, Catanauan, Quezon at mga karatig pang munisipalidad.

Sa pagbaba niya sa kanyang tungkulin bilang ama ng bayan Hunyo taong 1998, pinangarap pa niyang muling maglingkod sa mamamayan at tuloy sa mas malaki pang nasasakupan.

Mula sa kanyang  patuloy na pag-asam at pangarap na madugtungan pa ang  naisin para sa kapakanan ng kanyang bayan, batid niyang hindi na niya maisasakatuparan iyon dahil sa kalagayan ng kanyang kalusugan.  Setyembre 17, 2002 namayapa si “ka Demet” sa edad na pitumput dalawa taglay ang pag-asang marating pa ng kanyang mahal na bayang Nagcarlan ang pangarap niyang kasaganaan para sa mga mamamayan nito.






2 comments:

  1. I was very encouraged to find this site. I wanted to thank you for this special read. I definitely savored every little bit of it and I have bookmarked you to check out new stuff you post.
    StaffXperts

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete