Saturday, May 2, 2009
Salakot ni Ana Kalang sa panahon ng Dota
Bakit ganon, summer pa pero super lakas ng ulan araw-araw? Nakakabagot na dito sa bahay. Masakit na ang mata ko sa computer games at psp kaya pasyal na lang ako kila Jun-jun. Pagbukas ko sa pintuan ng bahay namin at bumuelo na sa pagtakbo…..”Ooooyyyyy!! magdala ka ng pamandong at baka magkasakit ka!” Boses ng lola ko! Pero dahil pasaway……dead-ma lang sa sigaw at nawala na ako sa paningin niya he he he.
Pag dating ko kila Jun-jun, wala pala siya. Kasama daw ng tatay niya at nagpunta ng Pila. Maniningil daw sa ibinentang ani ng palay ngayong tag-araw. Sigurado ako, bibili na naman iyon ng pirated dvd movie sa Sta. Cruz bago umuwi. Ayos! may bago na naman kaming gagawin.
Bumalik ako sa bahay. Siyempre, tumakbo ulit dahil sa walang tigil na ulan. Ano kayang magawa? Si nanay (tawag ko sa lola ko), he he he kukulitin ko!
“Nanay, ano ba yung sinasabi mong pamandong, ha?”
“O, ay di saklob! Kayo talagang mga bata kayo….”
”Nanay, noong panahon ninyo, anong usong saklob?”
“Salakot”
“Nilalagyan din ba ng mga designs yon para cool?”
“Ah hinde na…gamit la’ang namang pamandong yon. Meron ang tatay mo na ibang mga saklob noon. “Sure fit” ang tawag nila pero stateside ang mga iyon.”
Hmmmm….sabi nga pala sa kwento, si Ana Kalang may salakot din. Ginto daw iyon. “Nanay, totoo bang may gintong salakot si Ana Kalang?”
“Ewan ko”.
“Mahal siguro iyon kahit noon, di ba? Saan nya kaya ipinagawa iyon? Hindi nagsasalita si nanay. “Uuuy…(sabay kuhit sa matanda.) nasan na ba iyon ngayon, sabi ko? Bakit wala nang nakakaalala sa mga iyon ngayon?”
“Ay hindi ko rin alam, ano ka baga!”
E nanay, meron kaya akong makukuhang record sa simbahan o sa munisipyo kung halimbawa ay gawin kong project sa school yon?”
“hoy, wag mo ngang galawin iyang pinaplantsa ko at baka magasumot pa! Umadyo ka sa bahay, magpalit ka ng damit mo’t basa!”
“Nasan na ang gintong Salakot ni Ana?”, panalong title iyan, di ba, nanay? “ Ang salakot, sumisimbolo sa madaming bagay” “matutuwa ang mga teacher ko sa akin he he he…. tapos, baka pwede pang material sa teatro nila kuya Kris he he he……
“Kanino kaya magpapaalam sa simbahan kung hihingi ka ng record? Kay father ba?”
“Sinong father? Ay bagong distino la’ang naman iyon sa parokya….”
“Oo nga pala, no?”
“E, sa munisipyo? Syempre, hindi din si mayor dahil, hindi din naman niya alam ang bagay na iyon!” Wala namang municipal library dito sa atin” hmmmm…..pano nga kaya?”
“ itanong mo sa maestra mo…..”
“ e, project nga kasi no? dapat surprise sa mga teachers para impressive!”
“oy, hala-hala…yumaon ka na dito sa harapan ko at magpalit na ng damit, sabi…!
“yes, granny hi hi hi…..”
Mabilis akong tumakbo sa hagdan papunta sa kwarto upang magpalit ng basa kong t-shirt. Agad ding bumaba tumakbo sa computer at i power-on ang pc.
“ Hey granny, igu-google ko na lang ang mga tinatanong ko sa inyo, di ba? Computer age na ngayon, makakahanap ako ng sagot dito sa pc, I’m sure he he he….”
Hmmmm…..tik, tik, tik…tak, tak, tak…..pinindot-pindot, pindot ng mouse……..”gintong salakot ni Ana Kalang”; pinindot-pindot…tik tik, tak tak…Ana Kalang….wink, wink…..
“Teka, teka. Nake-carried away na yata ako, ah. Awat na muna to! Dota na muna, bah”, sabay close ng window sa monitor at pumindot ng ibang icon sa desktop.”
Habang naglo-load:“ Hail Elven!!!! Ha ha ha ha” Tumingin ako sa nanay at kumindat lang sa kanya.
Napasulyap lang ng konti sa akin si nanay dahil sa sigaw ko. Walang anumang pagbabago sa expression ng mukha niya at nagpatuloy sa ginagawa. Hindi ko alam kung huli niya ang excitement ko sa Dota ngayon o kaya naman ay carry niya ang salakot issue na ikinukulit ko sa kanya kanina? Pakelam, ba....!
Maganda din namang malaman ang bumabalot na misteryo tungkol sa salakot. Mukhang wala naman akong makukuhang impormasyon kay nanay, tsk, tsk. Alam kaya nila ma’am ito? Sino ba ang makakatulong sa akin dito? Meron kaya? Sana meron….
Meanwhile….Dota na muna!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment